Huwebes, Nobyembre 23, 2017






Teoryang Klasisismo
(Ang Tondo man ay may langit din ni Andres Cristobal Cruz)


Natutunan:
   Ang teoryang klasisismo ay may layuning ipabatid sa mambabasa ang mga payak na pangyayari ukol sa pagkakaiba ng estado sa buhay ng dalawang nag-iibigan an ang karaniwang daloy ng pangyayari ay matipid at piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos nang may kaayusan.     

Reaksiyon:
     Ang konsepto ng teoryang klasisismo ay angkop sa akdang Ang Tondo man ay may langit din sapagkat iginigiit nito ang katagumpayan sa pag-iibigan ng  dalawang may magkaibang estado sa buhay. Gayunpaman, maaaring ang teoryang romantisismo ay maaari ring taglayin  ng akda sapagkat ang buong kaisipan ng kuwento ay tungkol sa pag-iibigan.



Teoryang Romantisismo
(Sayang na Sayang)


Natutunan:
        Ang teoryang romantisismo ay ang pinakamadalas na taglayin ng mga akdang makabago sapagkat ito ay may matinding epekto at patok sa panlasa ng mga kabataan ngayon. Ang pananaw ng teoryang ito ay pagpapahalaga sa damdamin ng isang tao para sa kanyang napupusuan o sa kanyang iniibig na tinubuang lupa. Ayon sa teoryang ito’y hindi masasagot at maipapaliwanag ang katanungan at karanasan tungkol sa puso. Sa talakayang ito’y napalawak ang aking pag-iisip tungkol sa usaping pag-ibig at mga suliraning kaakibat nito tulad ng nangyari sa kuwentong Sayang na sayang na umiikot sa kuwento ng dalawang nagmamahalan ngunit hindi nagkatuluyan sa huli. Gayunpama’y iginiit pa rin ng mga mag-uulat ang tungkol sa tunay na pag-ibig. Dulot ng talakayang ito’y naitanim ko sa aking isipan ang ginintuang mensahe na ang pagmamahal ay ugat ng lahat ng mga mabubuting bagay. Kung ito lamang sana ang taglay ng lahat ng tao, ganap na sanang payapa ang mundo.


Reaksiyon:
      Ang kaisipan ng teoryang romantisismo ay talagang akma sa katangiang taglay ng akdang tungkol sa pag-ibig na Sayang na Sayang sapagkat binibigyang-diin dito ang pagkadalisay ng pag-ibig ng isang tauhan para sa kanyang iniibig. 















Teoryang Imahismo
(Ang riles sa tiyan ni tatay ni Eugene Y. Vasco)


Natutunan:
      Ang teoryang imahismo ay gumagamit ng isang imahen na kumakatawan sa buong diwa na taglay ng isang akda na siyang mas madaling maunawaan kaysa gumamit ng mga ordinaryong salita. Ang riles sa tiyan ni tatay  ay isang akda na ngayon ko lamang nakilala. Ito ay tumutukoy sa sakripisyong ginawa ng isang ama upang  madugtungan ang buhay ng kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Maliban sa magandang mensahe ng akdang ito’y napalapit rin ako sa may-akdang si Eugene Y. Vasco na noo’y estranghero pa lamang sa aking pandinig.

Reaksiyon:
   Ang konsepto ng teoryang imahismo na gumamit ng imahen ay  hindi nakapagtatakang taglay ng akdang Ang riles sa tiyan ni tatay. Ang imahen na ginamit sa kwento ay ang balat sa tiyan ng ama na sumisimbolo sa pagkamatiisin ng Pilipinong ama maiahon lamang ang pamilya sa mga pagsubok na pinadaraanan. 



Teoryang Bayograpikal
(Mga ala-ala ng isang estudyante sa Maynila ni P. Jacinto)


Natutunan:
     Ang teoryang ito ay tumutukoy sa sariling karanasan ng may-akda na nag-udyok sa kanya para magsulat, maaaring ito’y tungkol sa kanyang buhay pag-ibig o karanasan sa pagkabata. Sa paksang ito’y nadagdagan ang kaalaman ko tungkol sa personal na buhay sa isa sa pinakatanyag na mga bayani ng ating bansa na si Dr. Jose Rizal na ang buong pangalan pala’y Jose Protacio Rizal Mercado Y Alonzo Realonda. Sa pamamagitan ng librong  Mga ala-ala ng estudyante sa Maynila na isinulat ni P. Jacinto ay  nakilala ko ang isa sa mga taong pinaglaanan ng pag-ibig ni Rizal na si Segunda Katigbak noong siya’y mag-aaral pa lamang sa  kolehiyo ng Maynila.  Sa pagtatalakay ay nadagdagan  rin ang aking bokabularyo ng mga salitang bago pa sa aking pandinig tulad ng haraya, nagluwat, lango, mawatasan at ningas na siyang nagbigay kariktan sa katha at nagpatunay lamang na ang mga akda ng ating mga ninuno ay hindi pang-ordinaryo na agad makukuha ng literal na pag-iisip.

       
Reaksiyon:

       Ang buong katangian ng akda ay talagang akma sa konsepto ng teoryang bayograpikal sapagkat ang mga pangyayari sa kuwento ay ang mga totoong estorya ng buhay ni Rizal na isinulat ni P.Jacinto na naglalahad sa wagas na pag-ibig ni Jose Rizal para sa unang babaeng nagpatibok ng kaniyang puso na si Segunda Katigbak. Gayupaman, hindi talaga maiiwasan na may iba pang teorya na maaaring tinataglay ng isang akda. Maliban sa teoryang bayograpikal ay maaaring taglayin rin ng akdang ito ang teoryang romantisismo na ang layunin ay maglahad ng wagas na pag-ibig na ipinapamalas ng isang tauhan para sa kanyang iniibig o tinubuang lupa. 





Teoryang Feminismo
(Nanay Masang sa Calabarzon ni Son F. Juvida)

Natutunan:
         Sa paksang ito ay natutunan ko ang tungkol sa isang teoryang pampanitikan na ang layunin ay ilahad ang  kakayahan at iangat ang pananaw ng lipunan sa mga kababaihan. Noon pa man ay may diskriminasyon na sa kasarian sa halos lahat ng aspekto tulad ng paghahanap-buhay at pamumuno kaya’t sa pamamagitan ng mga akdang taglay ang teoryang ito’y kahit papaano’y nabigyang pansin ang mga kakayahang taglay ng isang babae na noo’y hindi inakala ng lipunan. Sa tulong ng paksang ito ay nabigyan ako ng pagkakataong makilala ang napakagandang akda ni Son F. Juvida na tumutukoy sa kwentong kung saan ay nagpamalas ng katapangan at matibay paninindigan ang mga kababaihan nang pangunahan nito pakikibaka sa mga taong nais angkinin at sirain ang lupang tinatamnan na pinagkukunan nila ng hanap-buhay. 

Reaksiyon:
           Ang layunin ng teoryang pampanitikan na Feminismo ay akma sa mensahe, pangyayari at mga katangian ng pangunahing tao sa akdang Nanay Masang sa Calabarzon. Ang kwento ay umiikot sa istorya ng isang pamayanan na ang pangunahing hanap-buhay ay pagsasaka ngunit sa kasamaang palad ay may nais lumapastangan sa kanilang simpleng pamumuhay na gustong bilhin ang sakahan  at pagtayuan ng kung anong gusali. Dulot nito’y pagkabahala ng mga tao sa nasabing lugar kaya’t pinakitaan agad nila ito ng pagtangging pinangunahan ng mga kababaihan. Batay sa mga tagpong ito ng kwento  ay masasabi kong tinataglay rin ng akdang ito ang teoryang humanismo na kung saan ay binibigyang pansin ang kakayahan ng taong magdesisyon para sa kanyang sarili tulad ng pagdedesisyong ginawa ng mga tauhan sa kwento ngunit gayunpama’y mas nangingibabaw pa rin sa akda ang katangiang taglay ng teoryang feminismo sapagkat nakapokus ito sa katapangan at pagdedesisyon ng mga kababaihan higit pa sa ibang kasariang nakapaloob sa katha.







Teoryang Markismo
(Sandaang Damit ni  Fanny A. Garcia)


Natutunan:
       Sa tulong ng paksang ito’y nadagdagan na naman ang aking kaalaman tungkol sa mga teoryang pampanitikan. Ang teoryang markismo ay may layuning ipabatid sa mga mambabasa na lahat ng tao’y may karapatang iangat ang estado niya sa buhay.



Reaksiyon:
    Ang konsepto ng teoryang Markismo na  kung saan inasahan ko ang pag-angat ng isang tauhan mula sa pang-ekonomiyang kahirapan, suliraning panlipunan, at pampulitika ay hindi nakita sa akdang sandaang damit. Ang bata sa kwento na nagpanggap bilang mayaman upang takasan ang diskriminasyon dulot ng kahirapan ay nagwagi na mapaniwala niya ang kanyang mga  mag-aaral na humanga sa kanyang sandaang damit kaya’t natamasa niya ang respeto mula rito ngunit sa huli’y ay lumabas rin ang katotohanan at hindi ko iyon maituturing na pag-angat ng isang tauhan mula sa negatibong aspeto ng buhay. Nalaman rin ng kanyang mag-aaral na ang sandaang damit na tinutukoy nito’y papel lang pala. Sa huli’y ay hindi naman iginiit ng may-akda na namuhay ng mapayapa ang bata na malayo sa diskriminasyon bagkus ay ipinahiwatig ng akda na hindi solusyon ang pagapapanggap upang makatamo ng respeto at pagmamahal mula sa kapwa.






Teoryang Ekspresyunismo
(Caregiver ni Chito Rono)


Natutunan:                                   
  Ang teoryang ekspresyunismo ay tumutukoy sa mga akdang kung saan nagpapamalas ng masidhing damdamin ang may-akda sa pamamagitan ng mga diyalogo o mga emosyunal na mga salitang binibitawan ng mga tauhan sa kuwento na talagang tumatak sa puso at isipan ng mga mambabasa. Sa pamamagitan ng paksang ito’y nadiskubre ko ang isa sa mga nakakaantig pusong obra ng mga masisining na mga manunulat sa ating bansa, Ang pelikulang Caregiver na pinagbidahan ni Sharon Cuneta sa direksyon ni Chito Rono na  kwento ng isang OFW na nakipagsapalaran sa Singapore. Ang linyang “I care about my job sir and I care about you” ay katagang tumatak sa isip at puso ng mga Pilipino na kahit ngayon ay hindi pa rin kumupas.


Reaksiyon:
       Ang teoryang Ekspresyunismo at Caregiver ni Chito Rono ay hindi naman malayo sa isa’t isa. Akma pa rin ang konsepto ng teorya sa naturang akda gayunpaman ang teoryang tulad ng realismo na binibigyang diin ang katotohanan kaysa kariktan at feminismo na layuning ipamalas ang kakayahan ng kababaihan ay may pagkakahawig sa katangian ng pelikula. Realismo, sapagkat ang buhay OFW na inilahad sa pelikula ay talagang nagyayari sa totoong buhay at talagang maraming makapagpapatunay rito lalo na’t mas kumakapal ang populasyon ng mga PIlipinong nangingibang bansa. Feminismo, sapagkat ang kasarian ng pangunahing tauhan sa pelikula ay babae na nagpamalas ng katapangan, kabayanihan, kabutihan at pagkamatiisin sa hindi birong pakikipagsapalaran nito sa ibang bansa.